Kung maipapasa ang panukalang batas ni ni Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael “PM” Vargas, maaari tumaas mula P5,000 hanggang P10,000 ang teaching supplies allowance para sa mga guro.
Ang House Bill (HB) No. 4072, o ang “Teaching Supplies Allowance Bill,” ay naghangad na dagdagan at i-institutionalize ang pagbibigay ng allowance sa mga kagamitan sa pagtuturo para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
“Sana maibsan ang pinansiyal na pasanin ng ating mga guro sa pampublikong paaralan upang ipakita ang ating pasasalamat at pagkilala sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa pagbibigay ng kalidad ng edukasyon sa ating mga mag-aaral sa gitna ng pandemya,” ani Vargas sa isang pahayag.
Ang paghahain ng panukala ay kasabay ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month noong Setyembre 5 hanggang Oktubre 5, 2022.
Sa ilalim ng Joint Circular ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM), na nagtakda ng mga alituntunin sa pagpapatupad ng DepEd-Office of the Secretary Special Provision No. 11 sa Cash Allowance, ang mga guro ay binibigyan lamang ng P5,000 para sa School Year 2021-2022 bilang allowance para sa kanilang mga kagamitan sa pagtuturo.
Ngunit layunin ng panukala ni Vargas na itaas iyon sa P10,000 para sa pagbili ng, ayon sa joint circular, “teaching supplies and materials, tangible or intangible; para sa pagsasagawa ng iba't ibang paraan ng pag-aaral, internet, at iba pang gastos sa komunikasyon; at para sa kanilang taunang gastos sa medikal na pagsusuri.”
Ang Teaching Supplies Allowance Bill ay unang inihain sa 17th Congress at muling isinampa ng mga mambabatas mula noon, kasama na ang kapatid ni Vargas na si dating Rep. Alfred Vargas.
“Kapag binibigyan natin ng tamang suporta ang mga Filipino educators na kailangan nila, nasusulit natin ang potensyal ng ating sektor ng edukasyon at tinitiyak ang magandang kinabukasan ng ating bansa,” ani Vargas.
Sinimulan na ng House Committee on Basic Education and Culture ang deliberasyon sa lahat ng Teaching Supplies Allowance Bills na inihain sa 19th Congress noong Setyembre 6.
Sa 17th at 18th Congress, inaprubahan ng nasabing komite ang panukalang batas ngunit nanatili itong nakabinbin sa Committee on Appropriations.
Raymund Antonio