Inihayag ng Department of Health (DOH) na aabot sa isang milyong batang wala pang isang taon gulang ang hindi pa nababakunahan laban sa naiiwasang sakit sa bansa.
Pangamba ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, posibleng magkaroon measles outbreak sa Pilipinas kung hindi mabakunahan ang mga nasabing sanggol.
“During this pandemic period that we had, we now have around 1 million children less than one year old, who are unvaccinated in the country," pahayag ni Vergeire sa mga miyembro ng House Committee on Appropriations na humimay sa panukalang badyet ng DOH para sa 2023 nitong Lunes.
Idinahilan ni Vergeire, kabilang ang Pilipinas sa 10 bansang mayroong pinakamababang immunization rate ng mga sanggol sa buong mundo.
Ang serbisyo aniya ng mga health worker ay nahati sa pagbibigay-pansin sa problema sa pandemya ng Covid-19 at iba pang regular na programa ng pamahalaan.
Nanawagan din si Vergeire sa mga medical organization at iba pang grupo na maglunsad ng pagbabakuna kasunod na rin ng paglalatag nila ng hakbang sa pagsasagawa nito.