Nakitaan na naman ng pagtaas ng bilang ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) cases sa Metro Manila, ayon sa pahayag ng OCTA Research Group nitong Linggo.
Sa report ng naturang independent research group,tumaas ang growth rate o bilis ng pagdami ng mga kaso sa anim na porsyento mula Setyembre 3-10.
Nilinaw ng grupo na naitala na ang pagbaba ng hawaan sa National Capital Region (NCR) nitong Agosto 27 hanggang Setyembre 3.
Gayunman, tumaas sa13.3 porsyento ang positivity rate nito mula nitong Setyembre 9, mas lumobo kumpara sa 12.1 porsyento nitong Setyembre 2.
Naitala rin ang 1 na reproduction number o bilang ng nahawa ng bawat nagpositibo sa virus na indikasyong tumataas ang hawahan.
Sa kabila nito, nananatili pa ring low-risk ang rehiyon na may average daily attack rate na 5.58 o bilang ng nagkakasakit sa kada 100,000 populasyon kada araw.
Nananatili ring mababa ang hospital bed occupancy na nasa 34.5 porsyento at intensive care unit na nasa 28.9 porsyento.
Idinagdag pa ng OCTA na inaasahan na ang pagtaas ng mga kaso dahil sa pagtaas ng mobility pattern ngayong nagbalik na ang in-person classes.