'Huh? Ano raw?'
Iyan ang reaksyon ni dating Senador Francis "Kiko" Pangilinan nang marinig niya ang paninisi ni Department of Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban sa mga magsasaka kung bakit oversupply ang bawang at repolyo.
Sa isang panayam sa radyo, sinisi ni Panganiban ang mga magsasaka sa Batanes nang hindi nabentang 25 metrikong tonelada ng bawang sa lalawigan, na sinasabing patuloy silang nagtatanim nang hindi isinasaalang-alang ang merkado para sa kanilang mga produkto.
"Ang problema nasa farmer rin dahil tanim sila nang tanim, hindi nila iniisip ang sitwasyon na mangyayari kagaya ng bawang sa Batanes," ani Panganiban.
Inalmahan naman ni Pangilinan ang pahayag ni Panganiban sa isang uploaded video reaksyon.
Sa video, makikita na dismayado si Pangilinan sa naging sagot ni Panganiban at ginamit pa nito ang linya ni Bea Alonzo sa isang pelikula na "Bakit parang kasalanan ko?" bilang reaksyon ng mga magsasaka sa naging pahayag ng DA official.
Samantala, naglapag naman ng suhestyon si Panganiban na bigyan ng alternatibong pananim ang mga magsasaka na maaari maibenta bilang solusyon sa oversupply.
“What we’re going to do is give them a product that will substitute for the crop they are planting for this season so they are not at the mercy of middlemen,” ani Panganiban.