Tila may pasaring ang isang sikat na phone brand matapos maglabas ng bagong disenyo ang kalaban nito.
Matatandaan na nitong Huwebes, Setyembre 8, inilabas ng Apple ang pinakabagong iPhone 14 bilang "most innovative pro lineup yet."
Sa parehong araw, nag-tweet naman ang Samsung, kompanya sa South Korea na isa sa pinakamalaking producer ng mga electronic device sa mundo, na animo'y pasaring sa kalaban nitong Apple.
"Let us know it when it folds," tweet ng Samsung Mobile US, kasama ng tipping hand emoji na nagpapahayag ng pagka-uyam.
Ang mga flagship model ng Samsung na Galaxy Z Fold at Galaxy Z Flip ay mga full-sized na smartphone na nakatiklop para magkasya sa maliliit na bulsa.
Bida naman sa bagong iPhone 14 ang “emergency SOS via satellite feature,” na nagpapahintulot sa mga user na magtatag ng koneksyon sa isang satellite upang magpadala ng mga text mula sa malalayong lokasyon.