Umaapela sa gobyerno ang grupo ng mga health workers na ibigay na ang matagal na nilang hinihintay na One Covid-19 Allowance (OCA).
Sinabi ni Jose Reyes Memorial Medical Center Employees Union (JRMMCEU) president Cristy Donguines, nakapaloob sa national budget ang kanilang benepisyo.
“Alam naman po natin talaga itong budget na ‘to sa mga benepisyo ngayon ay nakapasok na sa General Appropriation Act so ibig sabihin national budget na po siya. Pero hindi po namin alam kung bakit kailangan pa rin po nila manghingi ng budget, sa anong kadahilanan? Nasaan po yung pondo?" pagdidiin ni Donguines sa interview sa telebisyon.
Marami pa aniyang nurse sa mga pampublikong ospital ang hindi pa nakatatanggap ng kanilang benepisyo.
“Ang mga (government-owned and controlled corporation) hospital po natin ang natatanggap lang po nila, lalo sa One COVID Allowance po na ipinangako nila sa atin. Ang mga GOCCs, nakatanggap hanggang, meron pong nakatanggap hanggang March. 'Yung iba po, masaklap, hanggang January pa lang,” lahad nito.
“Ang pinakamasaklap po sa lahat 'yung mga LGUs po natin na wala talaga silang natatanggap kahit singkong duling.Sa amin naman po, mga under, retained hospital po ng (Department of Health) po, ang natanggap po namin ay hanggang June. Pero September na po ngayon, wala pa rin po yung ipinangako nila sa amin na kakulangan," pag-aamin ni Donguines.
“At the same time, 'yung (Health Emergency Allowance) po na back pay po namin mula July 2021 hanggang December 2021 po ay lumulutang pa rin po sa hangin,” dagdag pa ni Donguines.