Ibinahagi ng isang BS Criminology graduate na si "Mark Angelo Donesa" ang ginawang pag-aambagan at bayanihan ng mga instructor sa University of Iloilo upang makabili ng damit, sapatos, at pagkain ang first year student ng kursong Criminology na si Fritz Aldrin Arsalon.
Ayon sa Facebook post ni Donesa na nagtuturo din sa Criminology students, nabagbag umano ang damdamin ng mga instructor kay Arsalon dahil naka-tsinelas lamang ito kung pumasok sa pamantasan, at gawa pa sa basura ang kaniyang ginagamit na bag.
Naantig ang kalooban ng mga guro dahil kitang-kita raw ang kagustuhan nitong makapasok at makapagtapos ng pag-aaral. Si Donesa ay kabilang din sa mga naki-ambag para sa kaniya.
Self-supporting lamang daw si Fritz kaya malaking bagay sa kaniya ang ambagan ng mga guro para sa kaniya.
Umani naman ito ng inspirasyon sa mga netizen lalo't ang mga kagaya ni Fritz ay nagpapatunay na wala sa kalagayan o estado sa buhay ang kagustuhang makapagtapos ng pag-aaral.