Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) ang election period sa bansa para sa 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 6.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, magtatagal ang election period hanggang sa Disyembre 12.
Sa pagsisimula aniya ng election period, iiral na rin ang gun ban sa bansa.
Sa naturang petsa rin aniya ay sisimulan na ang filing o paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa BSKE, na magtatagal hanggang sa Oktubre 13.
“‘Yung gun ban, papasok na rin po sa October 6 na ‘yan. Sa kaalaman ng lahat, ‘yung mga nakakuha ng gun ban exemption noong 2022, aming nilalatag na ‘yung exemption na ‘yun ay carried over na hanggang dito para sa BSKE elections,” ayon pa Garcia, sa panayam sa radyo nitong Linggo.
Wala naman aniyang filing ng COC sa Oktubre 9, base na rin sa calendar of activities ng poll body, dahil natapat ito sa Linggo.
Aniya, ang campaign period ay sisimulan sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 3.
Sakaling matuloy ang naturang halalan sa Disyembre 5, sisimulan ang botohan ng mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.