Inaprubahan na ng Civil Service Commission (CSC) ang renewal ng provisional appointments ng mga apektadong guro sa Senior High School (SHS) para sa School Year (SY) 2022-2023, bunsod na rin ng kakulangan ng mga kwalipikado at lisensiyadong guro.

Sa isang kalatas nitong Sabado, sinabi ng Department of Education (DepEd) na batay sa CSC Resolution No. 2200353 na may petsang Agosto 18, 2022, pinahihintulutan ang muling pagtatalaga ng SHS provisional teachers na unang tinanggap noong 2016 at 2017, sa kondisyon na ang mga guro ay may maipakikita na patunay na sila ay kumuha ng licensure exam kahit isang beses sa nakalipas na limang taon.

Magugunitang pinahihintulutan ng K to 12 Law ang pagtanggap ng mga hindi lisensiyadong guro para magturo ng mga specialized subject sa SHS, sa kondisyon na ang provisional teacher ay dapat makapasa sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) sa loob ng limang taon.

Gayunman, dahil sa nagpapatuloy na pandemya, ang pangangasiwa ng LEPT ay limitado, sa gayon ay naglilimita sa mga apektadong provisional teachers sa pagtanggap ng LEPT mula pa noong 2020.

Internasyonal

Pinakamatandang tao sa buong mundo, pumanaw sa edad na 116

Nabatid na noong 2021, hiniling ng DepEd sa Professional Regulation Commission (PRC) at CSC na unahin ang panawagan ng mga apektadong SHS provisional teachers na unang kinuha noong 2016 para ma-accommodate sa LEPT administration at muling italaga nang lampas sa 5-year allowable period.

Sa issuance naman kamakailan ng CSC, nabigyan sila ng isa pang taon na ektensiyon ng appointment, kasama ang mga unang natanggap noong 2017.

Nangako rin ang CSC na patuloy na isasaalang-alang ang mga susunod na apela mula sa DepEd sakaling magkaroon ng katulad na pangyayari.

Samantala, kasalukuyang nakikipagtulungan ang DepEd sa PRC para sa muling pagbubukas ng Online Application System upang ma-accommodate ang mga SHS provisional teachers na nabigong makakuha ng mga nakaraang LEPT sa nakatakdang pagsusulit ngayong Setyembre 2022.

Anang DepEd, layunin nitong makakuha ng sapat na bilang ng mga guro sa SHS na may kadalubhasaan at espesyalisasyong kinakailangan at matiyak ang patuloy na trabaho at kabuhayan ng mga guro ng SHS, lalo na sa gitna ng pandemya.

Sinabi pa ng DepEd na maglalabas sila ng implementing guidelines ng CSC Resolution No. 2200353 para ilatag ang mga partikular na tuntunin at pamamaraan, partikular sa pagsunod sa mga kondisyon na nakasaad sa resolusyon.