Dadaan umano sa masusing imbestigasyon ang viral social media post ng isang tiyahin mula sa Cagayan De Oro City, matapos niyang ibahagi ang litrato ng report card ng kaniyang pamangking Grade 5 pupil, kung saan namumutiktik ito ng "palakol" o puro 70 na grado sa lahat ng asignatura, gayundin sa attendance nito.
Makikita sa ibinahaging litrato ng netizen na si "Cindy Apaap" na puro bura ang report card ng kaniyang pamangkin, at puro 70 ang nakuha nitong grado sa lahat ng asignatura.
Sa attendance report naman na nasa bandang likod ng report card, makikitang isang beses sa isang buwan lamang pumasok ang kaniyang pamangkin; ngunit kagaya nang makikita sa harapan ng report card, kapansin-pansing may mga bura din ang bahaging ito.
Nakasaad naman sa remarks ng gurong tagapayo ang salitang "retained," o kailangang umulit ang estudyante sa naturang grade level.
Ayon sa ulat ng Balitambayan, nadismaya umano ang tiyahin ng bata sa bagsak na grado ng kaniyang pamangkin, gayundin sa hitsura ng report card nito. Aminado naman daw siyang hindi niya masyadong nagabayan sa distance learning ang bata dahil buntis ang ina nito.
Hinala pa umano nila, mukhang binagsak daw ang bata dahil hindi umano sila nakapagbigay ng isang galon ng pintura na gagamitin sa proyekto sa silid-aralan, bagay na itinanggi ng pamunuan ng paaralan.