Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa Facebook post ng isang guro na si Sir Sunday Reyes matapos nitong manawagan ng tulong na wheelchair para sa kaniyang mag-aaral na may kapansanan.

Ilang araw matapos ang muling pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral noong Lunes, Agosto 22, napag-alaman ni Sir Sunday na may mag-aaral siyang nangangailangan ng wheelchair upang patuloy na makapasok sa paaralan, lalo't unti-unti nang bumabalik sa face-to-face ang mga klase.

Makikita sa kaniyang mga ibinahaging litrato na kinarga niya ang kaniyang mag-aaral, at nanawagan sa mga may mabubuting kalooban na mabigyan sana ang bata ng wheelchair.

Sa bagong update ng guro ay tila may mabuting puso naman ang kumasa sa kaniyang panawagan.

Ginang, na-swipe wrong sa dating app; na-scam ni 'Mr. Right' ng higit <b>₱</b>100K

"Thank you po 🙂" update ni Sir Sunday noong Huwebes, Agosto 25.

"Salamat po may magdo-donate na po ng wheelchair sa aming masipag at masigasig na mag-aaral. Isang malaking regalo sa kaniya at sa kanilang pamilya ang mabigyan siya ng wheelchair."

"#Edukasyon ang susi sa karunungan at kayamanan na walang sino man ang makakuha," dagdag pa ng guro.

Labis-labis naman daw ang pasasalamat ng guardian ng bata dahil bukod sa wheelchair ay bumabaha rin ng private message sa kaniya, upang makapagbigay ng iba pang uri ng tulong para sa bata.

"Hindi pa natatanggap ng kaniyang apo ang wheelchair pero sobrang saya at buong nagpapasalamat na si Lola (guardian) ng aming masigasig at masipag na mag-aaral 🙂" ayon sa panayam ng Balita Online sa guro.

"Salamat po sa magdo-donate."

Sa mga nais umanong magpaabot ng tulong sa bata, mangyari lamang daw na makipag-ugnayan kay Sir Sunday.

Si Sir Sunday Reyes ay guro ng Matematika sa Grade 5 ng M. Nepomuceno Elementary School, Division of Angeles City, sa Pampanga.