Nabigong mabisita nina Senator Risa Hontiveros, Rep. Edcel Lagman at ilang dating opisyal ng gobyerno si dating Senator Leila de Lima sa kanyang ika-63 kaarawan sa Camp Crame matapos silang harangin ng mga pulisya nitong Sabado.

Nauna nang nakumpirma ni Vicboy de Lima ang insidente matapos nitong tawagan ang kapatid na senador upang batiin sa kanyang kaarawan nitong Agosto 27.

Bukod kina Hontiveros at Lagman, hindi rin pinapasok sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa QC sina datingSupreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, dating Associate Justice at Ombudsman Conchita Carpio-Morales, datingSenator Franklin Drilon, constitutional framer Atty. Christian Monsod, Prof. Winnie Monsod, dating Rep. Tom Villarin, mga dating kalihim Mar Roxas at Julia Abad, at Chel Diokno.

Nauna nang inanunsyo ng kampo ni De Lima na kasama sa hindi pinapasok sa Camp Crame ang kapatid nito na si Dr. Vicente de Lima. Gayunman, nilinaw ni Vicboy na pinayagan din siyang masilip ang nakakulong na kapatid.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Wala pang ibinibigay na dahilan ang PNP hinggil sa pagharang sa mga bisita ni De Lima.

Kamakailan, hinarang din ng PNP ang United States congressional delegation na dadalaw sana kay De Lima na nakapiit pa rin sa Camp Crame.

Si De Lima ay inaresto at ikinulong sa Custodial Center sa PNP headquarters noong Pebrero 2017 kaugnay ng patung-patong na kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano'y pagkakasangkot sa paglaganap ng iligal na droga sa National Bilibid Prison noong kalihim pa ito ng Department of Justice.