Umalma na ang grupo ng mga guro sa bansa matapos ihayag na nagkaroon ng iregularidad sa pagbili ng mga laptop na aabot sa ₱2.4 bilyong ipinamahagi sa mga pampublikong guro sa bansa.

Sinabi ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) chairperson Vladimer Quetua, ilang guro ang umaalma dahil hindi nila magamit ang mga 'outdated at mahal' na laptop na binili ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM) alinsunod na rin sa pahintulot ng Department of Education (DepEd).

"Kami mismo sa ground naniniwala sa ganyang pagtingin dahil nagtataka kami bakit umabot ng ganyan ang presyo," pagdidiin ni Quetua.

Ito ay tugon ni Quetua sa naging pahayag ni Senator Alan Cayetano sa pagdinig ng Senado sa usapin nitong Huwebes na nagkaroon ng "honest corruption at sabwatan" sa pagbili ng mga laptop.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Nilinaw naman ni Quetua na ilang guro na ang bumili ng sariling laptop dahil ang mga ipinamahagi sa kanila ay sobrang bagal kapag ginamitan ng iba't ibang applications.

"'Yun ang angal nila. Sa katunayan, halos 'di na nila magamit itong mga ito kaya napilitan na lamang silang bumili," sabi nito.

Matatandaang kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA) ang DepEd dahil sa overprice na mga laptop at hindi nagamit ng mga guro dahil hindi akma para sa blended learning sa panahon ng pandemya.