Ipinaliwanag ng netizen na si "Jeannie Vargas" na wala siyang masamang intensiyong sirain ang imahe ng kaguruan, matapos niyang isiwalat sa social media ang naging karanasan umano ng kaniyang pamangking Grade 5 pupil sa guro nito, sa unang araw ng pagbubukas ng mga paaralan at pagbabalik-face-to-face classes noong Lunes, Agosto 22.

Sa kaniyang viral post, umiiyak umanong nagsumbong sa kanila ang pamangkin na sinabihan siyang "bobo", "hayop", at "bruha ka" ng kaniyang guro. Isinulat ito ng pupil sa isang papel dahil hindi siya makapagsalita.

Umani ito ng iba't ibang reaksiyon mula sa mga netizen at nakaabot sa kaalaman ng Department of Education (DepEd).

Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/25/deped-kakastiguhin-ang-gurong-pinagsalitaan-nang-masama-ang-grade-5-pupil-niya/">https://balita.net.ph/2022/08/25/deped-kakastiguhin-ang-gurong-pinagsalitaan-nang-masama-ang-grade-5-pupil-niya/

Ginang, na-swipe wrong sa dating app; na-scam ni 'Mr. Right' ng higit <b>₱</b>100K

Nilinaw naman ni Vargas, sa hiwalay na Facebook post, na wala siyang balak na sirain ang imahe ng mga guro sa pangkalahatan, lalo't naniniwala at saludo siyang marami ang mabubuti at mahuhusay na gurong ginagawa nang buong puso ang kanilang tungkulin, bilang mga pangalawang magulang.

Ginawa lamang niya ito upang maging aware ang mga magulang sa mga ganitong insidente, gayundin ang mga awtoridad.

Sa kabilang banda, sa isa pang Facebook post ay sinariwa ng netizen ang naging magandang karanasan niya sa kaniyang guro noong hayskul, na nagbigay-inspirasyon sa kaniya upang maging maayos ang kaniyang kinabukasan, na hanggang ngayon ay dala-dala pa rin niya sa puso at isipan.

Eksklusibong nakapanayam ng Balita Online si Vargas at nilinaw niyang hindi niya nilalahat ang mga guro. Hindi rin niya intensiyong sirain ang pangalan ng paaralan dahil ito rin ang alma mater niya.

"Hindi naman po kasi talaga yun ang intensyon ko. Naawa lang po talaga ako sa pamangkin, pero most importantly sa mga bata who experienced the same thing sa teacher. Wala lang po kasing nagsasalita ata at lumalaban. Hindi naman po kasi talaga lahat papakinggan," aniya.

"Hindi ko alam kung sinuwerte lang din yang post ko para this time, maaksiyonan na nila kasi parating nakalulusot yung teacher. Yung mga bata lang po talaga ang nakakaawa, pati magulang na kailangan sila ang mag-adjust sa ginagawa ng teacher."

"At alam ko po hindi talaga lahat ng teacher doon sa school ay ganun, kasi graduate din ako ro'n, at saludo talaga ako sa mga teachers doon, kailangan lang talaga protektahan din ang ibang teachers na tama ang ginagawa para hindi masira yung buong school sana."

"Wala naman talaga akong masamang intensiyon sa profession ng mga teachers. Basta, nandoon lang tayo sa tama."

Sana raw ay maprotektahan din ang mga gurong "matitino". Nanawagan din ang netizen sa mga guro na kung may co-teachers silang ganoon ang ginagawa, manapa'y pagsabihan ito.

"Ganun na nga po ang point. Na protektahan din sana yung matitinong teachers. Mas maigi po na matira eh yung matitino. At yung mga co-teachers sana ng mga gumagawa ng ganyan eh i-guide na lang din na itama kung may ginagawang mali at hindi lang tumahimik kahit nakikita nila, para hindi rin nasisira yung buong image ng school pati na mga teachers."

"Hindi naman po kasi maiiwasan na may magreklamo, pero ano po yung ginagawa ro'n sa mga reklamo? Kung pagtatakpan lang po, yun ang mahirap, talagang wala pong mababago sa sistema at lalo lang lalakas ang loob ng iba na patuloy gawin ang mali."

May mensahe rin si Vargas sa mga magulang o guardian.

"Kaya nga sa mga parents, i-guide lang din mga anak, paano i-handle, puwede natin sila turuan paano i-handle emotionally and mentally, basta tayo mismo makita rin sana ng mga anak natin na kaya nating tumayo pag alam nating may maling ginagawa sa mga anak natin. Yun lang naman talaga ang purpose ng post ko, kaya wag sanang masamain lalo na ng mga teachers."

Sa kabilang banda, kung sakaling may ganitong insidente sa mga paaralan, makabubuting ipagbigay-alam o magsumbong sa gurong tagapayo ng mag-aaral. Kung hindi naman, maaaring magsadya sa level chairman ng baitang, upang masamahan sa "Prefect of Discipline" ng paaralan, o kaya naman, sa mas nakatataas pang posisyon gaya ng Punongguro, bago ito makarating sa Division Office.

Hangga't maaari, kailangan itong maresolba sa school level upang mapangalagaan din ang pangalan ng guro, hangga't hindi pa naririnig ang kaniyang panig.