Sabi nga, "Don't judge a book by its cover".

Viral ngayon sa social media ang isang lalaking inakalang "taong grasa" dahil sa anyo nito, subalit nagdulot ng pagkamangha sa mga guro ng isang paaralan, dahil mamimigay pala siya ng mga pangkulay o krayola para sa mga mag-aaral. Nakilala ang naturang "mabuting Samaritano" sa pangalang "Chris".

Ayon sa Facebook post ng gurong si Ma'm Juliet Justo nitong Huwebes, Agosto 24, naging emosyunal ang mga guro ng Calizo Elementary School sa Balete, Aklan, nang tanggapin ang handog ng di nakilalang lalaki, na inakalang pagala-gala lamang dahil sa hawak niyang sako. Iyon pala, naglalaman ito ng 80 kahon ng triple crayons.

Trending

Netizens naka-relate, napahugot sa 'Hindi na marami ang tubig ng instant noodles'

Maliban dito, 80 kahon din ng krayola ang kaniyang binili para naman sa mga high School student. Ayon sa kaniya, ang pera umanong ipinambili niya sa mga krayola ay pinag-ipunan niya sa loob ng dalawang taon at kalahati.

Bukod umano sa pag-iipon ay nanghingi si Chris ng tig-lilimang piso sa mga kakilala niya upang mapasama sa kaniyang ipon.