Nakatakdang paghiwalayin o hatiin sa dalawa ang Archdiocese ng Cebu.

Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, layunin nitong higit pang mapaglingkuran ang mga mananampalatayang Katoliko sa lalawigan na tinatayang aabot sa mahigit sa apat na milyon.

Ang pahayag ng arsobispo ay ginawa nitong Miyerkules, kasunod ng ordinasyon ni Bishop Ruben Labajo bilang Auxiliary Bishop ng arkidiyosesis.

Aniya, matagal na nilang plano ang paghahati at ngayon ay nasa proseso na ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“In the process na g'yud kining pagtunga [ang ating paghati] sa Archdiocese (Cebu). Actually dugay na ning plano pero sige na ang atong process karon [matagal na itong binabalak pero nasa proseso na tayo] , this aims to serve more people, especially in the far-flung areas in Cebu province,” pahayag pa ni Abp. Palma sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Nabatid na si Bp. Labajo ang ikalawang katuwang na obispo ng arkidiyosesis kasama ni Bishop Midyphil Billones habang dalawang obispo rin ang retirado na sa tungkulin sina Bishop Antonio Ranola at Bishop Emilio Bataclan.

Ipinaliwanag ni Abp. Palma na malawak ang Archdiocese ng Cebu na binubuo ng 174 mga parokya kabilang na ang nasa iba't ibang isla ng lalawigan kaya’t napagkasunduan nilang hatiin ito.

Matatandaang una nang ipinahayag ni Abp. Palma ang planong paghati sa arkidiyosesis nang maitalaga siyang arsobispo noong 2011.

Suportado naman ng namayapang Cardinal Ricardo Vidal, dating arsobispo ng Cebu ang ninanais ni Abp. Palma sapagkat makabubuti upang mapaglingkuran ang mga pangangailangan ng mga mananampalataya.

Mungkahi pa nga noon ni Cardinal Vidal na hatiin sa tatlo ang Archdiocese of Cebu, ang North Cebu, Metro Cebu at South Cebu.

Sa kasalukuyan, kabilang sa suffragan diocese ng Ecclesiastical Province ng Cebu ang Dumaguete, Maasin, Talibon at Tagbilaran.