TRECE MARTIRES, CAVITE -- Nawawala ang isang Grade 8 student nitong Martes, Agosto 23, unang araw na dapat siyang dadalo sa face-to-face class sa kaniyang paaralan. 

Ayon sa kanyang ina na si Joena Quezon, hinatid niya ang anak na si Bobby Quezon Jr. bago ang oras ng klase nito na 12:30 p.m.

“Kahapon po ang first day niya dahil alternate ‘yung pasukan diyan. Okay naman po, ‘nung pumasok siya, masaya naman siyang pumasok," aniya sa kanyang panayam sa Manila Bulletin.

Makikita sa CCTV footage ng paaralan na pumasok ang 13-anyos na lalaki bandang 12:25 ng tanghali at umakyat pa ito upang hanapin ang classroom.

Metro

Doktor, patay nang tikman umano ang inuming ipinadala ng pasyente

Gayunman, ipinakita rin sa footage na lumabas si Bobby sa paaralan dakong 12:35 p.m.

“Umikot-ikot siya ‘dun kasi hinanap niya ‘yung room niya. ‘Nung hindi niya makita ‘yung room niya, lumabas siya nang gate," ani Joena.

Nang i-suspendido ang klase bandang 2:30 ng tanghali, pumunta ang nakatatandang kapatid ni Bobby sa paaralan para sunduin ito ngunit hindi niya ito nakita.

Nagpost si Joena sa kanyang Facebook dakong 6 ng gabi na humihiling sa mga netizen na makipag-ugnayan sa kanila sakaling makita nila ang kanyang anak.

Umikot din ang pamilya sa kanilang lugar para hanapin ang bata.

“Wala naman kasi kaming lead na barkada niya kasi hindi naman pala-barkada ‘yung anak ko, tahimik lang ‘yun," ayon pa kay Joena.

Wala rin daw contact ang pamilya kay Bobby dahil iniwan nito ang cellphone sa bahay.

“Ipinagbawal din kasi ng teacher, ng school, na hangga’t maaari, walang cellphone sa loob ng klase. Hindi rin naman mahilig mag-cellphone ‘yan, computer lang kasi ang hilig niya," dagdag pa ng ina.

Samantala, nakipag-coordinate na ang Pamilya Quezon sa pulisya para hanapin ang estudyante.

Carlo Bauto Deña