Pinaplano na ng Department of Social Welfare ang Development (DSWD) na humingi ng tulong sa mga local government unit para sa pamamahagi ng educational cash assistance sa mahihirap na estudyante.
"Siguro po next weekend ang gagawin namin hihingi po kami ng tulong. Bababa na namin sa munisipyo, pero not in the barangay kasi ang barangay humihingi ng indigency, ayaw ng mga tao 'yun," banggit ni DSWD Secretary Erwin Tulfo nang kapanayamin sa telebisyon nitong Agosto 20.
"Sa munisipyo, upon the supervision of DSWD personnel, meron pa rin po rito sa munisipyo para pumunta na lang po sila sa mga munisipyo nila," anang kalihim.
Reaksyon ito ng kalihim kasunod ng pagdagsa ng mga estudyante at kanilang magulang sa Central Office ng DSWD sa Batasan Complex sa Quezon City nitong Sabado.
Hindi na aniya mahihirapan ang mga benepisyaryo sakaling pangasiwaan na ang munisipyo ang pamamahagi ng educational assistance.
Nauna nang naiulat na umabot na ang pila ng mga benepisyaryo sa Batasan-San Mateo Road nitong Biyernes ng hapon upang matiyak na makapapasok sila sa cutoff.
Matatanggap ng mga estudyante ang educational assistance kada Sabado na tatagal hanggang Setyembre 24, ayon sa ahensya.
Mabibigyan aniya ng₱1,000 ang mga estudyante sa elementarya,₱2,000 naman sa mga estudyante sa high school, ₱3,000 sa mga senior high school student at₱4,000 para sa mga college student o kumukuha ng vocational course.
Tatlong benepisyaryo ang kukunin sa bawat pamilya, ayon sa DSWD.