Gagastos pa ng karagdagang ₱5 bilyon ang Commission on Elections (Comelec) kung ipagpaliban ang 2022 Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Ito ang isinapubliko ni Comelec chairman George Garcia na nagsabing hindi na sasapat ang nakalaang ₱8.4 bilyong budget para sa nasabing halalan sa Disyembre 5.
Pagdidiin ni Garcia, ang kakailanganing pondo ay gagamitin sa pagpaparehistro ng mga botante, pagpapaimprenta ng karagdagang balota at pagbili ng karagdagang equipment.
"If the polls are postponed, kakapusin na kami sa inisyal na binigay. Yun pong nakalaan sa amin ay para lang sa December 2022. Kapag tayo ay nagpaliban ng eleksyon, magkakaroon tayo ng continuing registration," paliwanag nito sa panayam sa telebisyon."The more voters you have, the more you register means you will need more equipment...That means we will need more teachers who will serve as poll workers on Election Day," anito.
Huhugitin din aniya sa dagdag na ₱5 bilyon ang karagdagang honoraria ng mga gurong magsisilbing election workers kung ito ay maaprubahan.
Matatandaang inaprubahan na ng mga kongresista ang pagpapaliban ng eleksyon kung saan iminungkahi nila na idaos ito sa Disyembre 4, 2023.