Nilinaw ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na nananatili pa ring sa Agosto 22, 2022 ang deadline ng enrollment para sa School Year 2022-2023.

Sa isang public hearing, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na wala pang napag-uusapan ang DepEd na magkakaroon ng ekstensiyon o palalawigin ang enrollment period.

Samantala, iniulat rin naman ni Poa na hanggang alas-7:00 ng Martes, Agosto 16, ay umaabot na sa 21,272,820 ang mga mag-aaral na nakapagpatala na para sa pasukan.

Ang naturang bilang ay kapos pa ng mahigit pitong milyon mula sa target ng DepEd na makapag-enroll ng 28.6 milyong mag-aaral.

National

Padilla, Zubiri, pinaiimbestigahan status ng implementasyon ng amnesty proclamations ni PBBM

Hinikayat rin naman ni Poa ang mga magulang na ipatala na sa klase ang kanilang mga anak.

“Hinihikayat pa rin natin ang ating mga magulang na hindi pa nakakapag-enroll na i-enroll na po agad ang kanilang mga anak. Huwag na po nating hintayin ‘yung August 22 na deadline,” ayon kay Poa.

“Sa ngayon po, wala pa po tayong extension na napag-uusapan. Sa ngayon, hanggang August 22 and deadline ng enrollment natin,” dagdag pa niya.

Batay sa datos ng DepEd, sa kabuuang bilang ng enrollees, 18,722,393 ang nagpa-enroll sa public schools; 2,478,488 ang nagpatala sa private schools, habang 71,939 naman ang papasok sa state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs).

Pinakamarami pa rin ang enrollees sa Region 4A (Calabarzon) na umabot na sa 3,070,451; sumunod ang Region 3 (Central Luzon) na may 2,366,003 at National Capital Region (NCR) na may 2,295,245 naman.

Pumalo na rin naman sa mahigit isang milyon ang enrollees sa Regions 5, 6, 7, 10, at 11.

Pinakakaunti naman ang enrollees sa Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 352,004 pa lamang.

Matatandaang Hulyo 25 nang simulan ng DepEd ang enrollment period at magtatapos ito sa Agosto 22, na siya ring unang araw ng klase sa bansa.