Inaasahang aabot sa milyun-milyong estudyante ang makikinabang sa Libreng Sakay Program ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na nakatakdang simulan mula Agosto 22 hanggang Nobyembre 5, 2022.

Sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando T. Cabrera nitong Martes na sa kanilang pagtaya, mayroong 2.2 milyong estudyante ang mabebenepisyuhan ng naturang programa dahil ang LRT-2 na bumabaybay mula Recto, Maynila hanggang Antipolo City sa Rizal, kung saan matatagpuan ang nasa 80 unibersidad, kolehiyo, unibersidad at mga paaralan.

Ayon pa kay Cabrera, bago ang pandemya, ang tipikal na weekday average ridership ng LRT-2 ay nasa 90,000-100,000 kada araw.

Siniguro rin niya na naghanda na sila ng sistema upang matiyak ang ligtas, maayos at episyenteng pagpapatupad ng programa.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

“We have prepared a system to ensure the safe, smooth, and efficient implementation of the program in compliance with the directive of the Department of Transportation,” pagtiyak pa ni Cabrera, sa isang kalatas.

Nabatid na ang Libreng Sakay, na ipatutupad alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ay para sa mga estudyanteng naka-enroll sa nursery/kindergarten, elementary/primary, high schools, technical- vocational, at college students.

Maaari nilang i-avail ang libreng sakay mula Lunes hanggang Sabado, maliban kung Linggo at holidays, mula 5:00AM hanggang 9:30PM.

Hindi naman umano kasali sa programa ang mga estudyante sa graduate studies, gayundin ang guardians ng mga estudyante.

Upang makapag-avail naman ng libreng sakay, sinabi ni Cabrera na kailangan lamang ng mga estudyante na iprisinta ang kanilang orihinal na school ID o original na registration form sa Passenger Assistance Office (PAO) para mabigyan sila ng Free Ride Ticket.

Ang naturang Free Ride Single Journey Ticket ay non-transferable at balido lamang sa loob ng isang araw.

Tiniyak rin naman ng LRTA na ang lahat ng estudyante na mag-a-avail ng libreng sakay ay isasailalim sa yuswal na security inspection procedure at health at safety protocols sa mga istasyon at mga tren.

Sinabi pa ni Cabrera na ang libreng sakay ay iaalok lamang sa mga estudyante sa unang bahagi ng School Year 2022-2023, kasabay nang unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes.

Matapos ito o simula sa Nobyembre 6, ibabalik naman nila ang ibinibigay na 20% discount sa mga mag-aaral.