Sa pagkawala ng isang dalagang nagngangalang Jovelyn Galleno, na nagtatrabaho sa isang outlet sa loob ng isang sikat na mall sa Puerto Princesa City, Palawan, ay muli na namang lumutang ang isang 'urban legend' na nagsimulang kumalat at talaga namang kontrobersyal na pinag-usapan noong 80s hanggang 90s.

Kalat na kalat at pinag-uusapan ngayon sa social media, lalo na sa TikTok, ang kaso ng umano'y pagkawala ni Galleno na naispatan sa CCTV footage na pumasok sa loob ng naturang sikat na mall noong Agosto 5, ngunit kataka-takang hindi nakita ang paglabas nito sa vicinity, o alinmang exit points.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/08/14/nawawalang-si-jovelyn-galleno-di-pa-rin-mahagilap-urban-legend-muling-nauungkat/">https://balita.net.ph/2022/08/14/nawawalang-si-jovelyn-galleno-di-pa-rin-mahagilap-urban-legend-muling-nauungkat/

Hindi umano ito kapani-paniwala dahil maraming CCTV na nakakalat sa loob at labas ng naturang mall.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Ayon sa salaysay ng kapatid ng nawawalang dalaga na si Jocelyn, nakapag-chat pa umano sa kanila ang kapatid bandang 6:37 ng gabi at nagtanong kung ano ang madaratnan niyang ulam.

"Sabihin mo kay Mama bukas pa ako masahuran (kasi) wala si Ma'am," makikitang sabi ni Jovelyn sa kapatid, batay sa oras na makikita sa screenshot ng conversation thread nila.

Bandang 8:55 ng gabi ay tinanong ng kapatid kung nasaan na si Jovelyn subalit hindi ito tumugon.

Bandang 10:27 ng gabi ay makikitang sinikap na tawagan ng kapatid si Jovelyn subalit hindi niya ito sinagot.

Sa ilang araw na pagkawala at paghahanap sa nawawalang dalaga, nakipagtulungan na rin dito ang iba't ibang opisyales gaya nina Councilor Elgin Damasco at 3rd District Palawan Rep. Edward Hagedorn; dinagdagan nila ang pabuya para sa sinumang makapagtuturo kung nasaan si Jovelyn.

Ayon sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), nasa pangangalaga ng pamilya ni Jovelyn ang naturang pabuya, na pinagsikapang pag-ambagan ng mga kaibigan, kaanak, at iba pang concerned netizen na nababagabag na rin sa pagkawala niya.

Sa kabilang banda, iginiit naman ng pamunuan ng mall na wala silang itinatago sa mga awtoridad at ibinigay na nila ang lahat ng kopya ng CCTV na mayroon sila.

Ang urban legend tungkol sa 'taong ahas'

Dahil dito, lumutang at naungkat ang isang urban legend noong 80s tungkol sa mall, na nauna nang kinasangkutan noon ng aktres na si Alice Dixson.

Usap-usapan, na sa ilalim ng mall o basement ay may "taong ahas" na nambibiktima umano ng magagandang dalaga. Ang taong ahas na ito ay sinasabing nagtatae ng ginto, at kakambal ng isang babaeng normal na tao. daw Ito raw ang naging dahilan kung bakit naging maginhawa ang buhay ng naturang pamilya, at nakapagpatayo ng mall.

Ayon pa sa mga sabi-sabi, ang mga sahig daw ng fitting room ng naturang mall ay kusang bumubukas palagos sa ilalim kung saan naroon ang taong ahas.

Ngunit kamakailan lamang ay pinabulaanan ni Alice ang naturang urban legend sa pamamagitan ng isang vlog na lumabas noong 2018.

“They directed me to the bathroom sa labas ng department store on the fourth floor para magpalit ng damit. Natatandaan ko nga may nag-uusyoso sa labas, and for some reason while I was inside the bathroom, I said, ‘Tuklaw, tuklaw’,” bahagi ng salaysay ng aktres.

“Now, I don’t really know kung bakit ko iyon ginawa. Siguro kasi, I was just being funny? I was trying to get a laugh sa mga kasamahan ko? I was being young and silly.”

Sa katunayan, naging endorser pa ng mall si Alice at ginamit pa sa promotion/commercial ang naturang urban legend. Nilinaw din ni Alice na hindi umano siya binayaran ng pamunuan ng mall.

Samantala, muling lumutang ang naging one-on-one na panayam ni Ayala Corporation Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala kay JG Summit CEO Lance Gokongwei, sponsored ng isang sikat na bangko, noong Nobyembre 26, 2021.

Matapos ang kanilang balitaktakan tungkol sa ekonomiya, dumako sila sa pagsagot sa ilang mga kontrobersyal at direct to the point na mga tanong, na ang isasagot ay "True" or "False". Palitan silang magtatanong sa isa't isa na kapwa nila inihanda.

Natanong ni Zobel de Ayala kay Gokongwei ang tungkol sa naturang urban legend.

"We've been plagued by this urban legend for decades. About time to set the record straight, okay? There is a real Robinson's snake in the bodega of the mall," tanong ni Ayala Corp. Chairman.

Itinaas ni Gokongwei ang "False".

"That's a definite falsehood," tugon nito.

"Are you sure about that, Lance?"

"No snake. If there would have been a snake, my sister Robina would have caught it and converted it into a handbag that she sold in Robinsons."

Screengrab mula sa YT Channel ng BPI

Ang tinutukoy niyang Robina ay si Robina Gokongwei-Pe, presidente at CEO ng Robinsons Retail Holdings Inc. na sinasabing babaeng kakambal ng taong ahas. Kaya raw Robinson ang pangalan ng mall dahil ang "son" ay tumutukoy sa kaniyang kakaibang kambal.

Bagay na pinabulaanan na noon ni Robina at nagsabi pang ibibigay niya ang branch na "Galleria" sa sinumang makapagpapatunay na totoo ang taong ahas.

Hanggang ngayon, wala pang nakapagpapatunay na totoo ito, kaya ang naturang branch ng mall ay nananatiling pagmamay-ari ng mga Gokongwei.