Ibinalita ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon nitong Lunes, Agosto 15, na nagpositibo siya sa Covid-19. 

Kuwento ng alkalde, nagising siya ngayong umaga na mayroong sipon, pangangati ng lalamunan, at lagnat. Aniya, baka raw ito ay dala lang ng pagod ngunit minabuti niyang magpa-test para sa Covid-19.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

"Bagaman naging busy ang aking schedule nitong mga nakaraang linggo mula nang ako ay maupo bilang Mayor, at baka dala lang ito ng pagod, minabuti ko na magpa-test ulit para sa COVID-19 dahil lumalaganap ang mga cases. (Nagpa-test din kasi ako noong August 11, Thursday at na-negative naman ang result)," ani Biazon sa kaniyang Facebook post.

"Lumabas na COVID positive ako. Maliban sa nasabing mild symptoms, maayos naman ang aking kalagayan," dagdag pa niya.

Gayunman, sinabi niya na patuloy pa rin ang kaniyang pagtatrabaho habang naka-isolate siya sa kaniyang bahay. May appointments daw siyang nakansela dahil sa kaniyang karamdaman.

"Habang naka-isolate ako sa bahay, patuloy ang aking komunikasyon sa mga opisyal ng City Hall para sa pagpapatuloy ng serbisyo. Si City Administrator Engineer Allan Cachuela ay may sapat na kapangyarihan na humalili sa day-to-day operations at kung mayroon naman kailangan na personal attention ko, magagawa ko pa rin ang aking mga tungkulin mula sa home isolation," aniya.

"Kinalulungkot kong sabihin na lahat ng aking appointments ngayong linggo ay cancelled na habang ako ay naka-isolate," dagdag pa niya.

Samantala, negatibo naman sa Covid-19 ang kaniyang asawa, mga anak, at mga kasama sa bahay.

 

"Ang ibang miyembro ng aming pamilya, maybahay kong si Trina, mga anak at kasama sa bahay ay negative sa COVID. Mahigpit naming pinapatupad ang protocols sa bahay. Sa ngayon, hiling ko lang ang inyong prayers para sa agaran kong paggaling mula sa sakit na ito.

"Tiyakin din po natin na magpatupad ng COVID-19 protocols tulad ng pagsuot ng facemask, disinfection o paghugas ng kamay gamit ang alcohol o tubig at sabon, at pag-iwas sa matao o congested na lugar o activity."

Sa huling datos nitong Agosto 14, nakapagtala ang Muntinlupa ng karagdagang 36 na bagong kaso ng Covid-19 sanhi upang umabot sa 203 ang aktibong kaso sa lungsod.