Maaaring umangkat ng asukal ang gobyerno kung mauubusan ng suplay nito sa Oktubre, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr..

Sa kanyang lingguhang vlog na na-upload nitong Linggo ng gabi, binanggit ni Marcos na maaaring mag-import ng asukal ang pamahalaan ng hanggang 150,000 metriko tonelada na kalahati ng naunang mungkahi ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

“Maaari bandang Oktubre, baka 'yung supply na nandito sa Pilipinas ay paubos na. Baka sakali ay kailangan natin mag-import pero kakaunti lang. Hindi kasing dami ng kanilang sinasabi dati na 300,000 [metric] tons. Eh, siguro malaki na ‘yung 150,000 [metric] tons para sa buong taon na ito,” sabi ni Marcos.

Nanindigan din si Marcos na walang kakulangan ng suplay ng asukal sa bansa.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Si Marcos ang kasalukuyang Kalihim ng Department of Agriculture (DA) at chairperson ng SRA.

Binigyang-diin ng Pangulo na bawasan ang aangkating asukal upang hindi malugi ang mga magsasaka.

“Nakita ko naman may sapat na supply dito na nandito na sa Pilipinas. So sabi ko, bakit 'di natin unahin ‘yan dahil ‘yan ay galing dito sa Pilipinas at meron na rin tayong na-import noon na naka-imbentaryo ngayon. So bago tayo mag-import ng panibagong asukal, dapat sabi ko ubusin muna natin ang supply dito," sabi pa nito.

Nitong Miyerkules, inanunsyo ng Malacañang na hindi inaprubahan ni Marcos ang mungkahing umangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal kasunod na rin ng ulat na "illegal" ang inilabas na kautusan ng Department of Agriculture (DA) dahil lingid ito sa kanyang kaalaman.