Iniulat ng independiyenteng OCTA Research Group nitong Lunes na may 15 lalawigan sa bansa ang nakikitaan ng ‘very high’ na Covid-19 positivity rates hanggang noong Agosto 6.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa porsyento ng mga tao na nagpopositibo sa Covid-19, mula sa bilang ng mga indibidwal na nasuri mula sa naturang karamdaman.

Batay sa inilabas na datos ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, nabatid na ang Camarines Sur ang nakapagtala ng pinakamataas na positivity rate na nasa 48.7%, o malaking pagtaas mula sa dating 30.3% noong Hulyo 30.

Ang iba pang mga lalawigan na nakapagtala rin ng very high positivity rates ay ang Isabela na may 47.6% mula sa dating 35.7% lamang noong Hulyo 30; Tarlac na may 41.9% mula sa dating 33.1%; Nueva Ecija na may 38.4% mula sa dating 25.0%; Pampanga, na may 35.0% mula sa dating 23.3%; Laguna na may 33.2% mula sa dating 30.9%; Cagayan na may 30.5% mula sa dating 22.2%; La Union na may 29.4% mula sa dating 24.0%; Zambales na may 28.6% mula sa dating 27.1%; Albay na may 28.2% mula sa dating 25.8%; Quezon na may 25.1% mula sa dating 26.6%; Pangasinan na may 25.0% mula sa dating 21.1%; Benguet na may 22.0% mula sa dating 18.3%; Cavite na may 21.1% mula sa dating 26.6% at Rizal na 18.8% mula sa dating 21.3%.

National

CHIZmis lang daw? Pagkalas sa liderato ni SP Chiz, itinanggi ng ilang senador

Nabatid na tumaas rin naman ang positivity rate ng National Capital Region (NCR) na pumalo na sa 17.5% noong Agosto 6 mula sa dating 15.5% lamang noong Hulyo 30.

Samantala, iniulat rin ng OCTA Research na may ilang lalawigan ang nakapagtala nang pagbaba ng positivity rates mula noong Hulyo hanggang hanggang Agosto 6.

Kabilang dito ang Bataan na mayroon na lamang 13.2% mula sa dating 20.8%; Batangas na may 15.2% na lamang mula sa dating 15.7%;Cavite na may 21.1% na lamang mula sa dating 26.6%; Ilocos Norte na may 9.9% na lamang mula sa dating 10.4%; Quezon na may 25.1% na lamang mula sa dating 26.6% at Rizal na may 18.8% na lamang mula sa dating 21.3%.

Una nang iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Linggo na nakapagtala sila ng 4,621 bagong COVID-19 cases, kaya’t umaabot na ngayon sa 3,803,955 ang kabuuang bilang ng Covid-19 cases sa Pilipinas.

Ito na ang ikaapat na araw na nakakapagtala ang bansa ng mahigit sa 4,000 bagong kaso ng sakit.