Pinasisilip na ni Senator RaffyTulfo ang patuloy na nararanasang brownout sa Occidental Mindoro at sa iba pang karatig na lugar.
Tiniyak ng senador na maghahain siya ng isang resolusyon sa Senado na mag-iimbestiga, in aid of legislation, sa lumalalang brownout sa Occidental Mindoro.
"Hindi po kayang bilangin ng aking mga daliri sa kamay at paa 'yun pong mga natatanggap naming reklamo na palaging merong brownout halos araw-araw at umaabot pa ng 12 oras kada araw at 'yan ay kailangan natin mabigyan ng solusyon," banggit ni Tulfo, chairmanng Senate Committee on Energy, sa isang television interview nitong Lunes.
Nais din ng senador na masiyasat ang napaulat na pagtanggap ng malalaking bonus ng mga empleyado ng power company sa lalawigan.
"Ang nakakatawa pa po niyan, 'di naman po sila nagpe-perform, pangit na nga po ang serbisyo, may mga balita na dumoble po 'yung sweldo ng mga opisyales at dumoble po 'yung mga bonuses nila tuwing Christmas," aniya.
"Nagkakasira-sira na po 'yung mga appliances. 'Yung mga estudyante po, hindi na nakapag-aral dahil wala nga pong kuryente sa gabi kadalasan, and yet ang kakapal po ng mukha nitong mga opisyales diyan sa Ormeco at nagpadagdag pa ng suweldo at ng bonus," pagpapatuloy nito.
Nitong nakaraang buwan, idineklara ng Mindoro provincial government na isailalim sa "power crisis" ang lalawigan dahil sa nasabing usapin.
Naiulat na nag-iisa lamang na power distributorangOriental Mindoro Electric Cooperative (Omeco) sa Occidental Mindoro at Oriental Mindoro.
Ipatatawag aniya nito ang mga ahensyang may kinalaman sa usapin, kabilang na angDepartment of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) upang malutas ang problema.