Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Lunes na handa silang magdaos ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at ng apat na plebisito sa bansa ngayong taon, kahit na magkakasabay pa ang mga ito.
Sa isang ambush interview, ipinaliwanag ni Garcia na ang eleksyon ay hindi interdependent sa isa’t isa at ang pagdaraos ng plebisito ay matutuloy, alinsunod sa itinatakda ng batas.
“Actually, hindi nakadepende ang isang electoral exercise sa iba pang electoral exercises,” paliwanag pa niya.
“Madami nang nangyaring karanasan ang Comelec na nagkakasabay-sabay -- mayroong national election pagkatapos may plebisito,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin rin ni Garcia na hindi naman nila maaaring ipagpaliban ang pagdaraos ng plebisito dahil nakasaad sa batas kung kailan ito isasagawa.
“Hindi namin pupwedeng ipagpaliban ang mga plebisito dahil mayroon ding nakalagay sa batas kung kailan namin ika-conduct ang plebesito at siyempre nag-iintay din 'yung mismong lugar na maapektuhan ng plebisito,” aniya pa.
Matatandaang ang BSKE ay nakatakdang idaos sa Disyembre habang ang apat na plebisito na idaraos ngayong taon ay ang ratipikasyon para sa paglikha ng Barangay New Canaan mula sa Barangay Pag-Asa sa Alabel, Sarangani sa Agosto 20, 2022; ratipikasyon sa konbersiyon ng Munisipalidad ng Calaca sa Batangas bilang component city sa Setyembre 3, 2022; ratipikasyon sa dibisyon ng Maguindanao Province sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur sa Setyembre 17 at ratipikasyon sa pagsasanib ng 28 barangays sa mga Barangays at isang natitirang barangay sa Ormoc City sa Oktubre 8.
“'Wag po kayo mag-alala, ang Comelec ay handa whether magkasabay-sabay ang isang national election or isang local election kasama na rin po ang mga plebesito,” pagtiyak pa ng poll chief.