Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 27,331 bagong kaso ng Covid-19 nitong nakaraang linggo base sa kanilang ulat nitong Lunes, Agosto 8.
Ayon sa weekly case bulletin ng ahensya, ang daily average ng mga kaso ay kasalukuyang nasa 3,904 na 13 porsiyento na mas mataas kaysa sa mga kaso mula Hulyo 25 hanggang Hulyo 31.
Nakapagtala rin ang DOH ng 76 na kaso ng Covid-19 na na-tag bilang kritikal na mga kaso na 0.28 porsyento ng mga bagong kaso.
Sa kasalukuyan, mayroong 772 mga pasyente na may malubha at kritikal na impeksyon sa Covid-19 na na-admit na 9.3 porsyento ng kabuuang admission ng Covid-19.
Sa kabilang banda, 624 sa 2,514 Intensive Care Unit (ICU) beds o 24.8 percent at 6,648 sa 21,548 Non-ICU beds o 30.9 percent ang ginagamit sa ngayon.
Samantala, nakapagtala din ang DOH ng 80 na nasawi dahil sa Covid-19. Dito, 32 ang naitala sa pagitan ng Hulyo 25 hanggang Agosto 7.
Sa 80 pagkamatay, walo ang naiulat noong Agosto, 24 noong Hulyo, lima noong Marso, pito noong Pebrero, apat noong Enero, isa noong Oktubre 2021, siyam noong Setyembre 2021, walo noong Agosto 2021, tatlo noong Hulyo 2021, dalawa noong Hunyo 2021, tatlo noong Mayo 2021, lima noong Abril 2021, at isa noong Marso 2021.
Pagdating sa pagbabakuna sa Covid-19, noong Agosto 7, kabuuang 71,898,721 indibidwal ang ganap nang bakunado habang 16,603,097 ang nakatanggap na ng booster doses.
Dhel Nazario