Umaasa ang Commission on Elections (Comelec) na sa katapusan ng Agosto ay maglalabas na ng desisyon ang Kongreso kung itutuloy ba o ipagpapaliban ang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Disyembre 2022.

Ayon kay Comelec chairperson George Garcia, inaantabayanan nila ang pagdinig hinggil sa pagdaraos ng BSKE, kasunod na rin ng panawagang ipagpaliban itong muli upang makatipid ng P8.141 bilyong pondo.

Gayunman, sinabi ni Garcia na sa kanyang personal na pananaw ay dapat na matuloy ang pagdaraos ng naturang halalan.

“Ang isang eleksyon, ‘yan ang nagiging paraan upang palitan ang mga tiwali, walang kuwenta, at hindi talaga mga performer na nanunungkulan sa ating pamahalaan. At the same time, ‘yan naman ay isang pagkakataon din upang mapanatili natin ang mga lider na sa ating palagay naman ay karapat-dapat na mamahala sa atin nang tuloy-tuloy,” paliwanag niya sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

“Tama po na magkaron ng halalan. Subalit, kinikilala natin na ito ay isang absolute na discretion ng ating Kongreso kung ipagpapaliban o itutuloy ang darating na halalan na SK and barangay election,” dagdag pa niya.

Una nang kinumpirma ni Garcia na sa ngayon ay puspusan na ang kanilang paghahanda para sa halalan.

Aniya pa, mula sa P8.4-bilyong budget para sa halalan ay nasa P5 milyon na ang kanilang nagastos para sa idinaos na voter registration at pagbabayad sa mga manggagawa na nag-o-overtime para sa paghahanda sa BSKE.