Pinagkalooban ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng tulong pinansiyal si Track and Field Legend Lydia de Vega-Mercado na ngayon ay nakikipaglaban sa Stage 4 breast cancer.

Mismong sina PCSO Chairperson Junie Cua at PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang nagkaloob ng tseke na nagkakahalaga ng₱500,000 para magamit ni de Vega sa kanyang pagpapagamot, sa isang simpleng seremonya sa PCSO main office sa Mandaluyong City, dakong alas-11:00 ng umaga, nitong Martes.

Ang naturang tseke ay tinanggap naman ng anak ni de Vega na si Stephanie Mercado de Koenigswarter.

Sa isang mensahe, labis na nagpasalamat si de Koenigswarter sa tulong pinansiyal na ipinagkaloob ng PCSO para sa kanyang ina.

Kapatid ni Jay-el Maligday na pinaslang umano ng militar, nanawagan ng hustisya

Si de Vega ay kasalukuyang sumasailalim sa medical treatment sa Makati Medical Center dahil sa breast cancer.

Ayon kay de Koenigswarter, nagpapasalamat rin ang kanilang buong pamilya sa suportang kanilang natatanggap mula sa publiko at tinatanaw nila ito na malaking utang na loob.

Tiniyak rin niya na matibay at patuloy na lumalaban ang kanilang ina sa tinagurian nilang 'biggest race' ng buhay nito.

Umapela rin naman ang anak ni de Vega ng panalangin at patuloy na suporta para sa kanyang ina.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni Robles na batid nilang hindi pa sapat ang naitulong ng PCSO para kay de Vega dahil mahaba pa ang laban nito.

Nanawagan rin naman si Robles sa publiko na makiisa at tumulong rin kay de Vega.

Matatandaang si de Vega-Mercado, na tumakbo noong 1984 Los Angeles Olympic at sa 1986 Asian Games sa Seoul, South Korea, ay naging kauna-unahang manlalaro na nagwagi ng back-to-back gold medals sa 100-meter dash.

Ang naturang karangalan ang nagluklok sa kanya sa kasikatan at naging dahilan upang tagurian siyang Asia's fastest woman at Sprint Queen noong 80s.

Siya rin ang naging kauna-unahang Pinay na tumakbo at nakipag-compete sa Olympics.

Ang kanyang mga naging accomplishments ay nagsilbing inspirasyon naman para sa bayan at motibasyon sa mga Pinoy.