Target ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mapaliit pa ang utang ng bansa, bukod pa ang hangaring mapaliit pa ang bilang ng mahihirap.

Kabilang lamang ito sa mga layuning inilatag ni Marcos sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Batasan Pambansa nitong Lunes, Hulyo 25.

Sinabi ni Marcos na hangad niyang maibaba sa "9 percent o single-digit poverty rate ng bansa pagsapit huling bahagi ng kanyang termino sa 2028.

Sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nabigong matamo ang target na 15.5 percent na poverty rate ng Pilipinas sa pagtatapos ng termino nito bunsod na rin ng pandemya ng coronavirus disease 2019 kung saan umabot pa sa 3.9 milyong Pinoy ang nasadlak sa kahirapan dahil na rin sa sunus-sunod na lockdown na nagpahinto sa paggalaw ng ekomiya.

National

Romualdez, nakiramay sa mga biktima ng bagyong Kristine

Sa unang anim na buwan ng 2021, unmabot sa 23.7 porsyento ang poverty rate ng bansa, mas mataas sa 21.1 porsyentong naitala sa kaparehong panahon noong 2018.

Ayon naman kay Marcos, hangad niyang mapababa pa ang utang ng bansa sa 60 porsyentong debt-to-gross domestic product (GDP) ratio pagsapit ng 2025. 

Upang matamo ito, magpapatupad ang administrasyon ng reporma sa pagbubuwis upang mapalaki pa ang koleksyon nito.

Magpapatupad din ito ng digital transformation kung saan malaki ang gagampanan ng national ID system upang matiyak na maabot ng mamamayan ang serbisyo publiko.

Iniutos din nito sa mga ahensya ang pamamahagi ng aabot sa 92 milyong ID sa kalagitnaan ng 2023.

Sa usaping pangkalusugan, nais ni Marcos na magtayo ng Center for Disease Control and Prevention, vaccine institute, makapagbenta ng abot-kayang gamot sa ospital, lalo na sa mga lalawigan at mabantayan nang husto ang kapakanan ng mga doktor, nurse, at iba pang medical personnel sa bansa.

Hindi na rin anikya kakayaning magkaroon pa ng lockdown na dulot ng pandemya.

"Wala na tayong gagawing lockdown. Dapat nating balansehin ang kalusugan at kapakanan ng ating mga mamamayan sa isang banda at ekonomiya naman sa isang banda," sabi pa ng punong ehekutibo.