Patuloy sa pagtaas ang naitatalang dengue cases ng Department of Health (DOH) sa bansa.

Batay sa inilabas na National Dengue Data as of July 2, 2022 (MW26) ng DOH nitong Martes, nabatid na mula Enero 1 hanggang Hulyo 2, 2022 ay nakapagtala na sila ng kabuuang 65,190 dengue cases sa bansa.

Anang DOH, ang naturang bilang ay 83% na mas mataas kumpara sa mga naitalang kaso ng sakit sa kahalintulad na petsa noong 2021, na nasa 35,715 lamang.

Karamihan anila sa mga kaso ng sakit ay naitala sa Region III (9,448, 14%); Region VII (7,771, 12%) at Region IX (5,708, 9%).

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Mula lamang naman anila Hunyo 5 hanggang Hulyo 2, 2022, umaabot sa 16,324 bagong kaso ng dengue ang naitala.

Ang mga rehiyon na may pinakamataas na bagong kaso ng dengue ay ang Region III na may 3,196 (20%); NCR na may 1,729 (11%) at Region VII na may 1,703 (10%).

Iniulat rin ng DOH na 13 na mula sa 17 rehiyon sa bansa ang lumampas na rin sa epidemic threshold sa dengue, sa nakalipas na apat na linggo o mula Hunyo 5 hanggang July 2, 2022.

Sa naturang mga rehiyon, ang Regions III, MIMAROPA, V, VI, IX, XI, XII, BARMM at CAR ang nakitaan ng ‘sustained increasing trend’ ng dengue cases.

Anang DOH, sa kabuuan, mayroon ring naitalang 274 dengue deaths o Case Fatality Rate (CFR) na 0.4%.

Nabatid na noong Enero, nasa 36 ang namatay dahil sa dengue; 32 naman noong Pebrero; 39 noong Marso; 46 noong Abril; 63 noong Mayo at 58 noong Hunyo.