Patay ang isang rider habang sugatan ang isa pa nang magkabanggaan ang kanilang minamanehong motorsiklo sa Sampaloc, Manila nitong Linggo ng gabi.

Dead on the spot ang biktimang si Michael Evangelist, ng 2B Gladiola St. Ups IV, Sucat, Parañaque City matapos na tumilapon mula sa kanyang minamanehong motorsiklo habang sugatan naman si Leonardo Mantica, ng Brgy 856, Sampaloc, Manila at ginagamot na sa UERM Hospital.

Batay sa ulat ni PCPL Eric Jay Despabiladero, ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), nabatid na dakong alas-7:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa Santol St., kanto na Vallejos St., Sampaloc, Manila.

Lumilitaw sa kuha ng CCTV footage sa lugar, na bago ang insidente ay binabagtas ni Mantica ang Santol St., lulan ng isang Honda motorcycle na may plate number na 2126 PP.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Gayunman, pagkaliwa umano nito sa Vallejos St. ay dito na niya nakabanggaan ang Yamaha Motorcycle na may MV File No. 1366-0296866, na sinasakyan naman ni Evangelist.

Sa tindi ng impact ng banggaan ay tumilapon at bumagsak sa sementadong kalsada si Evangelist na kaagad na binawian ng buhay.

Nagtamo rin naman ng mga sugat sa katawan si Mantica na kaagad ring naisugod sa pagamutan at posibleng maharap sa kasong paglabag sa reckless imprudence resulting in homicide at damage to property sa piskalya.