Dalawang traffic enforcers ang patay habang isa pa ang sugatan nang pagbabarilin ng riding in tandem na una umano nilang sinita dahil sa isang traffic violation sa Cardona, Rizal nitong Huwebes.

Batay sa ulat ng Rizal Police Provincial Office, kaagad na binawian ng buhay ang mga biktimang sina Gil Tancingco at Marcial Julian, habang sugatan naman si Kevin Jerome Cruz, pawang miyembro ng Cardona Municipal Task Force.

Mabilis namang nakatakas ang mga di kilalang salarin na sinasabing unang sinita ng mga traffic enforcers dahil sa isang traffic violation.

Batay sa ulat ni PSSG Lediboy Tamares, ng Cardona Municipal Police Office, dakong alas-4:15 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa national road, kanto ng San Pedro St., sa Brgy. Real, Cardona.

Eleksyon

49 na senatorial aspirants, naghain ng COC ngayong Oct. 7

Kasalukuyan umanong naka-duty ang mga biktima at gumaganap sa kanilang tungkulin nang dumating ang dalawang lalaking magkaangkas sa isang Honda click motorcycle na walang plate number.

Bumaba umano ang back-rider nito at bumunot ng baril at saka pinagbabaril ang mga biktima.

Nang duguang bumagsak ang mga biktima ay mabilis nang tumakas ang mga suspek patungo sa bayan ng Binangonan.

Ayon sa pulisya, dead on the spot sina Tancingco at Julian habang isinugod si Cruz sa Morong provincial hospital upang malapatan ng lunas.

Masusi nang iniimbestigahan ng mga otoridad ang insidente para sa agarang ikareresolba nito.