"No award? No problem!"

Nagpaantig sa puso ng mga netizen ang TikTok video ng 22 taong gulang na netizen na si Fidel Gahum II mula sa Zamboanga del Norte, matapos niyang ibahagi ang ginawa ng kaniyang ina sa graduate na bunsong kapatid na si Rudel ng Potungan National High School.

Ayon sa panayam ng Manila Bulletin, wala kasing award na natanggap ang anak sa kaniyang graduation. Kaya ang naisipan ng ina, gumawa na lamang ng cash sash bilang regalo sa anak. Naisip raw ng ina na maging daan sana ito upang mabigyan ng motibasyon ang anak na mas pagbutihin pa sa kolehiyo nito.

Kaya naman isinabit niya ito sa leeg ng anak sa mismong graduation ceremony nito.

Kahayupan (Pets)

Asong inabandona sa paradahan ng tricycle noon, 'poging-pogi' na ngayon

"Walang award kasi kahit isa yung kapatid ko sa graduation niya kaya naisip 'yun ni Mama para na rin mas magsumikap pa siya sa kaniyang pag-aaral po," saad ni Fidel.

Pahayag naman ni Susan Gahum, ang kanilang ina, "Ang wish ko po sa anak ko ay magsumikap lang po siya sa kaniyang pag-aaral kahit mahirap lang po kami upang siya ay makatapos sa kolehiyo at magkaroon ng magandang trabaho at makamit niya ang kaniyang mga gusto sa buhay."

"Kahit wala man siyang makuhang anumang award, mahal na mahal ko pa rin siya dahil anak ko siya at sapat na sa akin ang may makuha siyang diploma," dagdag pa niya.

Plano umano ni Rudel na kumuha ng kursong Business Administration sa kolehiyo.