Karaniwang eksena tuwing graduation ceremony sa mga paaralan ang pagdalo ng mga magulang o guardian upang saksihan ang pagtatapos ng mga anak sa pag-aaral, na simbolo ng kanilang pagtatagumpay at pagpupunyagi. Subalit paano naman kung ang mga anak ang dadalo sa graduation ceremony… ng kanilang magulang?

Iyan ang kuwento ni Teodora L. Deus, 69 anyos, mula sa Sto. Cristo, City of San Jose Del Monte, Bulacan, magtatapos sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Technical Vocational Teacher Education. Ibinida at ibinahagi ng kaniyang anak na si Teacher Leslie D. Irang, isang guro sa Indonesia, ang kaniyang mga retrato sa social media.

Leslie Irang at Teodora Deus (Larawan mula sa FB ni Leslie Irang)

Kahayupan (Pets)

Asong inabandona sa paradahan ng tricycle noon, 'poging-pogi' na ngayon

Ayon kay Leslie, hindi sila nagdalawang-isip na suportahan ang kanilang ina, nang unang beses nitong sabihing nais nitong makatapos ng pag-aaral sa hayskul. Nakatapos lamang kasi hanggang Grade 6 si Nanay Doring at hindi na nakapagpatuloy pa.

"At 69, our mom, Teodora Lorenzo Deus (Nanay Doring), is graduating from College, with a degree in Bachelor of Technical Vocational Teacher Education," ani Leslie.

"6 years ago, she expressed to my sister and me her dream of pursuing her Secondary Education, more than 50 years after her Grade 6 graduation. We supported her!"

Ayon sa panayam ng Balita Online, dahil nagtatrabaho na sina Leslie at kaniyang mga kapatid noong mga panahong iyon, nag-ambag-ambag sila sa pagpapaaral para sa kanilang ina. Dahil may edad na ito, natapos nito ang hayskul sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS. Noong 2018, nakamit nito ang pinangarap na diploma sa hayskul.

Ngunit hindi nila inasahan ang susunod nitong hiling---ang magpatuloy pa hanggang sa kolehiyo!

"In 2018, she graduated from Secondary School through the Alternative Learning System (ALS) and continued to take up a 4- year course in Education."

"Now, she is graduating!" ani Leslie.

Umuwi pa mula Indonesia si Leslie upang samahan ang ina sa pagmamartsa nito sa entablado ng Philippine International Convention Center o PICC na venue ng graduation ceremony ng paaralan nitong Bestlink College of the Philippines.

"We are proud of you nanay! As promised, I am here at the PICC," aniya.

May makabagbag-damdaming mensahe si T. Leslie para sa kanilang inang si Nanay Doring.

"To Nanay Doring, thank you for being a great inspiration to all! Indeed, age is just a number! Congratulations po and we love you! To everyone, never give up on your dreams!"

Mensahe ni Leslie para sa lahat, "Chase your dreams just like what our mom did! Age matters not in terms of success! She is now a teacher just like us, her two daughters!"

Teodora Deus (Larawan mula sa FB ni Leslie Irang

Makalipas ang halos isang taon ay muling kinumusta ng Balita si Nanay Doring. Nagturo na ba siya pagkatapos o nag-take ng board exam?

"Right now she is just staying home and continues to guide her grandchildren who are both teenagers. We advised her to rest after years of studying," sagot ni Leslie.

Kung anuman daw ang iba pang balak ni Nanay Doring, nariyan lamang silang mga anak at apo nito upang siya ay suportahan.