Naantig ang damdamin ng mga netizen sa Facebook post ni Guillerma Idias, bagong graduate ng Senior High School mula sa Manlapay, Dalaguete, Cebu, matapos niyang ipagmalaki ang kaniyang amang dumalo sa kaniyang graduation ceremony kahit galing pa sa trabaho, basa ng pawis, marumi ang damit at hindi akma sa okasyon.
Nahihiya pa raw ang kaniyang tatay dahil sa kaniyang ayos, subalit hindi naman ito ininda ng anak.
Ayon sa Facebook post na isinalin sa wikang Filipino, “Sabi ko kay Papa, 'Picture tayong dalawa (sabay smile). Tapos sabi ni Papa ‘Wag na lang kasi hindi ako nakapagbihis, ang dumi at ang basa ko pa’ pero sabi ko sa kaniya ‘Eh ano naman kung marumi ang damit at basa na, wala akong paki, hindi kita ikinahihiya, bahala na kahit hindi ka pa nakapagbihis,” saad ng nagtapos.
Natatrabaho ang kaniyang papa bilang isang backhoe operator. Masayang-masaya si Guillerma dahil nakadalo ito sa kaniyang graduation ceremony. Kahit pagod at walang ayos ay dumiretso umano ang tatay sa paaralan upang saksihan ang kaniyang pagtatapos.
“Thankful ako na nandito ka sa graduation ko, kahit na pagod ka galing sa trabaho, dumiretso ka talaga sa graduation ko, kahit na basa ka pa, Pa. I love you Papa,” saad ng SHS graduate.