Ibinahagi ng vlogger na si Christian Merck Grey o “Makagwapo” ang nakuhanang CCTV footage ng isang kawatang tila naghahalungkat lamang ng mga gamit sa isang shopping mall o ukay-ukay upang makapagnakaw ng matitipuhang gamit sa harapan ng kanilang bahay.

Sa vlog, ipinanood ni Makagwapo kung paano pumili ng nanakawin ang suspek sa mga gamit na nasa harap ng bahay. Take note na naganap ito bandang umaga, at tila mapapansing kampante lamang ang suspek sa ginagawa niyang "shopping".

Inisa-isa nito ang mga tsinelas at sapatos na makikita sa shelf na nasa labas ng bahay ng biktimang vlogger. Sa huli, isang itim na damit na nakasampay ang dinekwat nito.

Mabuti na lamang at may CCTV footage kaya nahagip ang mukha nito.

Mga Pagdiriwang

Paskong Pilipino, pinakamahabang kapaskuhan sa buong mundo

"Hayan ang mukha ng hayop. Baka nakikita n'yo 'yan? Hayan ang mukha ng magnanakaw," ani Makagwapo.

Kapansin-pansin din sa CCTV footage na may kasamang lookout ang suspek kaya malakas ang loob nitong gawin ang pagnanakaw. Pasalamat na lamang din si Makagwapo na walang nasaktan o napahamak sa mga kasama niya sa loob ng bahay, o hindi sila nilooban.

Subalit hindi pa rin ito pinalagpas ng biktima at iniulat pa rin sa mga awtoridad.

Handa umanong magbayad si Makagwapo ng ₱10K sa sinumang makapagtuturo kung sino ang naturang suspek.