BALUNGAO, Pangasinan -- Nagtangkang takasan ng isang lalaki ang ligaw na aso na humahabol umano sa kanya ngunit sa kasamaang palad, siya ay nasagasaan ng isang kotse sa Brgy. San Leon, Balungao, Pangasinan noong Biyernes, Hunyo 24.

Kinilala ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) ang biktima na si Eduardo Martinez Degollacion, 59, residente ng Brgy. San Leon, Balungao, Pangasinan.

Ang nakasagasa naman sa biktima ay kinilalang si Sgt. Leo Solomon Andres, 39, aktibong miyembro ng Philippine Army, at residente ng Brgy. Tanulong, Bayambang, Pangasinan. 

Rumesponde naman agad ang Patrollers ng Balungao Police nang maiulat sa kanila ang naturang aksidente. 

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Lumalabas sa imbestigasyon na hinabol umano ang biktima ng isang ligaw na aso na tumatakbo patungo sa kalsada nang aksidente ma-sideswipe ng isang Toyota Innova na bumibiyahe patungong Rosales, Pangasinan.

Nagtamo ng pinsala sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

Samantala, dinala si Sgt. Andres sa Conrado F. Estrella Regional Medical and Trauma Center, Carmay East, Rosales, Pangasinan para sa isang medical checkup at inimbitahan sa police station para sa karagdagang imbestigasyon.