Ipakakalat ng Philippine National Police (PNP) ang 15,000 na tauhan nito upang bantayan ang inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos, Jr. sa Hunyo 30.

Paliwanag ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, ide-deploy ang 7,000 na pulis sa paligid ng National Museum sa Maynila habang ang iba pa ay itatalaga sa bisinidad ng Philippine International Convention Center, Mendiola at sa ilang checkpoint.

"Kung lahat-lahat, including ’yung mga ilalagay natin na mga checkpoints sa mga papasok sa Metro Manila ay higit kumulang na 12,000 hanggang 15,000 ang total na PNP personnel na ide-deploy natin for this purpose," said Fajardo in a televised briefing.

"Sa ngayon wala tayong nare-receive na any credible or serious threat pertaining dito sa nalalapit na inauguration ni President-elect BBM. patuloy tayong nakikipag-coordinate sa ating intelligence units to make sure na lahat itong information na nakakalap natin ay nava-validate natin properly," ayon kay Fajardo nang kapanayamin sa telebisyon nitong Sabado.

National

Hiling ni Quiboloy na ilipat sa kustodiya ng AFP, ibinasura ng korte

Inaasahan na ng pulisya na dadagsain ng aabot sa 30,000 supporters ang palibot ng National Museum para sa panunumpa ni Marcos sa tungkulin.

Pinapayagan naman ng PNP ang mga raliyista sa mga freedom parks at sa kalapit ng National Museum.

"Sila naman po ay papayagan basta 'yan po ay limited sa freedom parks at sana ay huwag na sila magplano na umalis, magmartsa patungo sa area kung saan gaganapin 'yung inauguration para hindi na rin magkaroon ng kaguluhan at problema," dagdag pa ni Fajardo.