Kukumbinsihin ni incoming Bureau of Internal Revenue (BIR) chief Lilia Guillermo si President-elect Ferdinand Marcos, Jr. na maging "role model" sakaling ituloy pa ng pamahalaan ang pagsingil sa ₱203 bilyong estate tax ng pamilya nito.
Gayunman, sinabi ni Guillermo na hindi pa niya nakikita ang dokumentong may kaugnayan sa desisyon ng Korte Suprema noong 1997 na nagsasabing aabot sa ₱203 bilyon ang babayarang buwis ng pamilya ni Marcos.
Umaasa aniya ito na masisilip niya ang papeles hinggil sa Marcos estate sa nakatakdang turnover ni outgoing BIR Commissioner Cesar Dulay sa Lunes.
"Kung saka-sakali I have to collect or BIR has to collect, sasabihin ko this amount and this amount ay 'di naman po talaga kayo ang magbabayad, it’s the estate. Pwede ho ba maging role model kayo?" paliwanag ni Guillermo sa panayam ng telebisyon.
"But I should have the correct data, I should know what really is in that decision. Ie-explain ko sa kanya, siguro 2 kami ni (Bangko Sentral ng Pilipinas) Gov. (Benjamin) Diokno," banggit pa ni Guillermo.
Matatandaang naging kontrobersyal si Marcos noong election period nang mabigong magbayad ng naturang buwis ang pamilya.