Wala pa ring pinalad na makapag-uwi ng tumataginting na ₱232 milyong jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 habang isang taga-Mindanao naman ang sinuwerteng magwagi ng mahigit ₱8.9 milyong jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na parehong binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Lunes ng gabi.

Sa paabiso ng PCSO nitong Martes, nabatid na walang nakahula sa six-digit winning combination ng Grand Lotto 6/55 na 51-02-49-47-46-36 kaya’t hindi napanalunan ang katumbas nitong jackpot prize na ₱232,111,463.20.

Kaugnay nito, inaasahang madaragdagan pa at aabot na sa mahigit ₱243 milyon ang jackpot prize ng Grand Lotto 6/55 sa susunod na bola nito.

Mayroon naman umanong 14 na mananaya ang nakahula ng tig-limang tamang numero kaya’t nakapag-uwi sila ng tig-₱100,000 na second prize.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Samantala, nasolo naman ng isang lucky bettor ang ₱8,910,000 na jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 matapos na matagumpay nitong mahulaan ang six-digit winning combination na 17-32-23-14-25-18.

Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Zamboanga City sa Zamboanga del Sur.

Upang makuha ang kanyang premyo, pinayuhan ng PCSO ang jackpot prize winner na magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong identification cards.

Hinikayat rin ng PCSO ang publiko na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng tiyansang maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa mga taong nangangailangan.

Ang Grand Lotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang Mega Lotto 6/45 ay binubola naman tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.