Kinakiligan ng mga netizen ang kuwento ng pag-iibigan ng isang single mom na nagdesisyong magbalik-alindog, subalit hindi inaasahang makatagpo ang lalaking muling magpapatibok sa kaniyang puso---ang kaniyang gym instructor.

Ayon sa ulat, nagpasya umani si Majoy Indiape ng Cebu City na kalimutan ang malungkot na karanasan sa nagdaang relasyon kaya minabuti niyang mag-enrol sa isang gym para sa kaniyang version 2.0.

Dito niya nakilala ang gym instructor na si Julian Sy, na agad daw nahulog sa kaniyang kagandahan at kabaitan. Habang tinutulungan umano siya nitong mapaunlad pa ang kaniyang pangangatawan ay lumalalim na ang nararamdaman nila sa isa't isa.

Makikita sa viral video na habang nakatalikod si Majoy at nagbubuhat ng weights, unti-unting lumapit sa kaniya ang gym instructor na may hawak na pulumpon ng mga bulaklak. "Ma'am" pa nga ang tawag niya rito.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Pagharap ni Majoy, nagulat ito sa kaniyang nakita. Kilig na iniabot naman ni Julian ang mga bulaklak sa kaniya. Maya-maya, lumuhod na ito at tinanong na si Majoy ng "Will you marry me, Ma'am?"

Matamis na oo naman ang isinukli ni Majoy.

Kaya payo ni Julian sa mga hindi pa natatagpuan ang kanilang katadhana, huwag magmamadali dahil darating din umano ito sa takdang panahon.