Posible umanong makapagtala na ang Pilipinas ng mula 800 hanggang 1,200 na arawang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa hanggang sa katapusan ng Hunyo, kung magpapatuloy pa ang naoobserbahang pagtaas ng mga kaso ng sakit sa kasalukuyan.
“Ang meron tayo, projections that by the end of June, maaari na aabot tayo to 800 to 1,200 cases per day kung magtutuloy-tuloy ang mga kaso natin sa ngayon,” ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa Laging Handa briefing nitong Sabado.
Paglilinaw naman ni Vergeire, ito ay projections lamang nila na ginagamit upang makapaghanda ang lahat.
“These projections are not cast in stone. These are just used for us to prepare,” aniya pa.
Sinabi rin naman ni Vergeire na ang nakikitang mga pagtaas ng mga naitatalang mga bagong kaso ng sakit ay hindi pa dapat na tawaging surge sa ngayon.
“Let us not call it a surge. When you talk about a surge, it is a sudden increase in the number of cases,” paliwanag pa niya.
Mahigpit rin ang paalala ni Vergeire sa mga mamamayan na patuloy na maging maingat, , sumunod sa health protocols at magpaturok na ng bakuna at magpa-booster laban sa COVID-19 upang maiwasan ang higit pang hawahan ng virus.