Patay ang isang rider nang magkabanggaan ang kanyang sinasakyang motorsiklo at ang kasalubong na owner-type jeep sa Antipolo City nitong Huwebes ng madaling araw.

Dead on arrival sa Cabading Hospital ang biktimang nakilala lang na si Alfredo Jose habang sugatan naman ang kanyang backrider na nakilala lang na si Rommel, at nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Hospital.

Sugatan rin naman ang driver ng kanyang nakabanggaang owner type jeep na si Bobby Flores at ang pasahero at ina nito na si Susanita Flores, na nilapatan naman ng lunas sa Antipolo District Hospital.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, nabatid na dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa Marcos Highway, malapit sa Galaxy Gasoline Station, Sitio Puting Bato, Brgy. Inarawan, Antipolo City.

National

Hontiveros sa pagsailalim kay Guo sa PNP custody: 'Napaka-iregular ng mga nangyayari'

Nauna rito, binabaybay umano ni Flores at ng kanyang ina, na sakay ng kanilang owner-type jeep, ang kahabaan ng Marcos Highway, patungo sa Cogeo Gate 2, upang magdeliber sana ng gulay sa kanilang mga kostumer.

Gayunman, pagsapit sa naturang lugar ay nakasalubong nila at nakabanggaan ang motorsiklong minamaneho ni Jose, angkas si Rommel, na patungo naman sa Boso-boso.

Dahil sa tindi ng impact ng aksidente, pawang nasugatan ang apat na katao na lulan ng dalawang behikulo at isinugod sa magkakahiwalay na pagamutan ngunit binawian din ng buhay si Jose.

Si Flores ay itinurn-over naman na ng arresting traffic enforcers sa Antipolo City Police Station matapos itong malapatan ng lunas, para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.