Isang holdaper ang patay nang manlaban umano sa mga tauhan ng Manila Police District (MPD)- Malate Police Station 9, na umaaresto sa kanya matapos na umano'y holdapin ang isang street educator sa Malate, Manila nitong Lunes ng gabi.

Inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na inilarawang nakasuot ng muscle shirt at naka-backpack at chest bag at nasawi dahil sa tama ng bala sa katawan.

Nauna rito, nagreklamo sa pulisya ang biktimang si Niño Crisanto Mallari, 36, street educator ng MSWD, at residente ng 2446 Camachile St., Malate.

Dakong alas-10:22 ng gabi aniya nang tutukan siya ng baril at holdapin ng suspek sa Taft Avenue kanto ng Castro St., sa Malate at kinuha ang kanyang cellphone.

Eleksyon

'Umpisa na ang himagsikan!' Sam Verzosa, tatakbong mayor ng Maynila

Kaagad namang dumiretso ang biktima sa presinto at nagreklamo.

Mabilis namang nagsagawa ng follow-up sina Crisostomo, Pcpl Charmaine Dueñas at Pcpl Marlon Nobleza ng Tactical Motorcycle Unit (TMRU).

Nag-ikot ang mga pulis, kasama ang biktima, at nakita ang suspek na naglalakad sa Taft Avenue at panulukan ng Castro St. at itinuro ito ng biktima.

Sinita ni Nobleza ang suspek at nang maramdaman ang presensiya ng pulisya ay tumakbo ito at hinabol ng mga pulis.

Nang malapit nang abutan ay bumunot ng baril ang suspek ngunit naunahan ni Nobleza na paputukan.

Naisugod pa ang suspek sa Ospital ng Maynila ngunit idineklara na ring patay dakong alas-10:54 ng gabi.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang cellphone ng biktima at ang isang .38 kalibreng baril.