Tumaas pa ng 30.4% ang naitalang average daily cases ng COVID-19 sa bansa ngayong linggong ito.

Sa weekly COVID-19 update ng Department of Health (DOH), nabatid na mula Hunyo 6 hanggang 12, 2022, nasa 1,682 na bagong kaso ng sakit ang naitala sa bansa.

Sanhi nito, ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 240 na.

Mas mataas anila ito ng 30.4% kung ikukumpara sa mga kaso noong Mayo 30 hanggang Hunyo 5.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Nabatid na sa mga bagong kaso, walo sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Mayroon namang naitalang limang pumanaw kung saan dalawa ay naganap noong Mayo 30 hanggang Hunyo 12.

Samantala, noong Hunyo 12, 2022, nakapagtala rin umano ang DOH ng 498 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Anila, sa 2,078 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 345 (16.6%) ang okupado.

Nasa 20.3% naman ng 15,706 non-ICU COVID-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Iniulat rin naman ng DOH na higit sa 69 milyong indibidwal o 77.51% ng target na populasyon ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 14.5 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Sa kabilang banda, 6.7 milyong senior citizens o 77.42% ng ating target A2 population ang nakatanggap na rin ng kanilang primary series.

Patuloy rin namang pinapaalalahanan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar.Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anito pa.