Kasabay ng paggunita ng Araw ng Kalayaan nitong Linggo, Hunyo 12, nakaharap ni Sen. Imee Marcos ang isa umanong anti-Marcos. Diretsa namang sinagot ng mambabatas ang ilang kontrobersyal na katanungan ng kritiko.

Unang natanong si Imee kung wala nga bang balak humingi ng tawad ang kanilang pamilya sa mga nagawa ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.

“Sa totoo lang, sa aming pamilya, ako ang pinakamadaling kausap. Sorry ako nang sorry. Papaano ang dami kong palpak,” anang senador habang ibinahagi ang ilang pagkakamali sa isang regular na araw.

“Ngayon ang presidency na ‘yan, maraming nasasaktan, maraming mahirap na desisyon pero never ko naman kasi naririnig yung tatay ko na nagsasabi na, ‘Patayin ‘yan. Saktan ‘yan.’ Wala naman ganun e. Ako na mismo, marami talagang tao na kung anu-ano ang ginawa, ‘di namin kontrol ‘yun. Pero kung may nasaktan, ako na mismo ang magpapaumanhin. Talagang kung makapagbigay sa kanila ng kaunting kagaanan ng loob, ano ba naman ako na pagkaitan ‘yun. Malaking bagay ‘yun e,” saad ni Imee.

National

PBBM nanindigang may flood control projects: 'Na-overwhelm lang... hindi kaya'

Matatandaan na ayon sa datos ng Amnesty International, nasa 100,000 indibidwal ang naging biktima ng Batas Militar noong 1972; sa bilang, 3,000 ang pinaslang, 34,000 ang tinortyur at 70,000 ang ilegal na kinulong kasunod ng deklarasyon.

Basahin: Chel Diokno sa Toni Talks, sinariwa ang alaala noong masaksihan ang pagdakip sa ama – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid

Sunod na hiningi ng umano’y anti-Marcos ang reaksyon ng senadora sa mga kasong inihain laban sa kanilang pamilya.

“Sa politika, marami talagang mapaghiganti. Nag-umpisa ‘yan higit sa 4,000 yata kaso,” ani Imee habang idinagdag na nilabanan nila ang mga ito hanggang sa mabibilang na lang sa kamay ang kasalukuyang dami ng mga nasabing kaso.

Matatandaan na ilan nang desisyon ng korte sa Pilipinas at sa ibang bansa ang pumabor sa gobyerno ng Pilipinas ukol sa mga “ill-gotten wealth” ng pamilya Marcos na aabot sa tinatayang $10B halaga ng kaban ng bayan.

Sa pagbabalik ng mga Marcos sa Makalanyang ngayong 2022, isang malinaw na hangarin ang ipinaliwanag ni Imee.

“Para sa akin, gusto kong ibalik yung dangal ng pangalan namin. Yung apelyido at pamilyang Marcos kasi ang bigat ng pamana sa amin. Lahat na lang ng ginawa ng tatay ko masama daw, at kami walang silbi. Hindi naman siguro,” ani Imee.

“Tuwang-tuwa ako ngayon e. Nagugulat ako hindi pala kami totally nawala sa puso at kahit papano, nandiyan pa rin sa puso ng tao, hindi pa nakakalimutan. Marami diyan minahal kami mula sa umpisa hanggang sa ngayon,” dagdag na saad at reaksyon ng senadora sa resulta ng eleksyon kung saan nasa mahigit 31 milyong boto ang nakuha ng kapatid na si Bongbong Marcos Jr.

“Kaya’t alam ninyo, ‘yang Malakanyang na ‘yan parang lugar lang ‘yan e, yung mahalaga, yung puso at pagmamahal ng tao,” ani Imee.

Hinikayat naman ni Imee ang nakasamang kritiko na patuloy lang buksan ang sarili sa mga usapan kagaya ng kanilang naging tagpo.

“Pakinggan mo ‘ko, papakinggan din kita. Baka may matutunan tayo sa isa’t isa. Sa puno’t dulo nito, lahat tayo Pilipino, magtutulungan. Tayo rin ang maghahanp ng solusyon para sa ating bayan,” anang mambabatas.

Dito kinuha rin ng senadora ang pagkakataon na ibahagi ang mga naging pahayag ng ama nang sila’y mapilitang umalis ng bansa kasunod ng EDSA People Power Revolution noong 1986.

“Tama ka may EDSA [People Power] celebration, pinapakita ‘yung galit. Pero sa amin, wala naman kayong naririnig. Hindi naming nilalabanan yan. ‘Di kami naghihiganti kasi ayaw naming yung nagagalit yung tao,” anang mambabatas.

“Alam ninyo kaya kung bumaril at makipaglaban sa Hapon, sa mga dayuhan pero kapwa Pilipino natin yan, hayaan mo sila. Tayo muna ang umalis hanggang huminahon,” sabi pa aniya ng kanyang ama sa sundalo nang hingin ang direktiba nito kung magpapaputok ba noong kasagsagan ng tinaguriang EDSA Revolution.

“Imee matapang ako kapag dayuhan ang kalaban natin, hindi natin kalaban ‘yan. Kapwa Pilipino. Pare-pareho lang tayo aawayin, umalis na muna tayo, Umalis na muna tayo para walang gulo, ‘wag natin aawayin kailanman,” dagdag na kwento ni Imee na sinabi umano ng kanyang ama.

Sa itinuro sa akademya, ang naging pagsupil sa kalayaan: pagbanta sa buhay ng mga kritiko ng gobyerno at kaliwa’t kanang pang-aabuso sa karapatang pantao noong pamumuno ni Marcos Sr., ang ilan lang sa mga nag-udyok para isilang ang makasaysayang mapayapang rebolusyon sa alaala ng People's Power.