Inihayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos nitong Sabado, Hunyo 11, na dapat na tuwinang kilalanin ang kasaysayan at ang mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bansa, kabilang na rito ang mga COVID-19 frontliners.

Ang pahayag ay ginawa ni Santos, na siyang Central Luzon Regional Representative ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at vice chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, kaugnay sa paggunita ng bansa sa 124 taong Araw ng Kalayaan sa bansa ngayong Linggo, Hunyo 12.

Ayon kay Santos, hindi dapat isantabi ng kasalukuyan at ng susunod pang henerasyon ang mga nagawa at sakripisyo ng mga bayani ng bansa na ipinaglaban ang kalayaan ng Pilipinas.

“We have to be grateful for those who sacrificed their lives and served our country. Let us not forget their heroism, learn from them and live up to what they fought for,” pahayag pa ni Santos, sa isang mensahe sa church-run Radio Veritas.

May lason? EcoWaste may babala 'di awtorisadong bersyon ng Labubu dolls

Tinukoy din ng obispo ang patuloy na banta ng COVID-19 pandemic na kabilang sa mga pagsubok at banta sa kalayaan na dapat harapin ng bawat isa sa lipunan.

Ipinaliwanag ng obispo na kabilang sa mga itinuturing na modern day heroes, sa naturang banta ng pandemya ay ang mga medical frontliners, essential service providers, Overseas Filipino Workers at seafarers na sa kabila ng panganib na dulot ng sakit ay patuloy na naglingkod para sa kapakanan ng nakararami.

Giit ni Bishop Santos, dapat gawing huwaran ng bawat isa ang sakripisyo, at pagsusumikap ng mga bayani at modern day heroes ng bansa upang sama-samang malagpasan ang mga banta sa kalayaan sa lipunan kabilang na ang kahirapan, malawakang krisis na dulot ng pandemya at ang paglaganap ng fake news.

“Our new enemy is Covid-19. We can overcome this as we are doing by being responsible, compassionate, and obedient. We have seen modern heroes-medical front liners, essential service providers, our OFWs, and seafarers-let we then follow their examples and always collaborate with them. Reliving the ultimate sacrifices and selfless services of our heroes, we can rise up from poverty, surpass this pandemic and free ourselves from fake news and vices,” aniya pa.

Nabatid na ang tema ng Araw ng Kalayaan ngayong taon ay “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas na naglalayong bigyang diin ang sama-samang pag-ahon ng bawat Pilipino mula sa iba’t ibang hamong kinaharap ng bansa noong mga nakalipas na taon kabilang na ang malawakang krisis na dulot ng pandemya.”