Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na ang National Capital Region (NCR) ay nakapagtala ng bahagyang pagtaas ng mga bagong bagong COVID-19 cases sa bansa noong nakaraang linggo.

Sa kabila nito, kaagad rin namang pinawi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pangamba ng publiko at nilinaw na hindi pa naman aniya ito nakakaalarma.

Ayon kay Vergeire, ang NCR ay nakapagtala ng 1.6% pagtaas sa positivity rate habang 14 sa 17 lugar sa bansa ay mayroon ring positive growth rate.

Sa isang hiwalay na pahayag naman nitong Sabado rin, sinabi ng DOH na ang positivity rate sa NCR ay nasa 2% sa pagitan ng Hunyo 2 at Hunyo 8.

National

Catanduanes, niyanig ng 4.8-magnitude na lindol

“According to the latest data from our COVID-19 Surveillance Unit, National positivity rate is at 1.6% while NCR positivity rate is at 2.0% for the week of June 2 to June 8, 2022,” ayon sa DOH.

“Sa ngayon, nakikita natin, nasa low-risk pa naman tayo. Ibig sabihin itong mga kaso natin, hindi pa nasu-sustain ang pagtaas na tuloy-tuloy,” paliwanag naman ni Vergeire, sa isang public briefing.

“Ibig sabihin nadadagdagan po ang kaso pero katulad ng sinabi natin, hindi pa siya ganoon ka-significant because ang ating admissions naman sa mga ospital ay hindi pa tumataas pa at ang ating severe and critical, hindi pa mataas,” aniya pa.

Iniuugnay ni Vergeire ang pagtaas ng mga bagong kaso ng virus sa presensya ng mas nakahahawang subvariants ng Omicron sa bansa, gayundin sa nababawasang proteksyon laban sa virus.

“Marami sa mga kababayan natin ang hindi kumukuha ng mga boosters and maaaring maging factor din ito dito po sa pagtaas ng kaso dito sa NCR and other areas,” aniya pa.